Panalangin ko





Panginoon ko, 

Pinupuri at niluluwalhati Kita aking Panginoon, sa Pangalan ng Panginoong Hesus.
Nagpapasalamat po ako sa lahat ng mabubuting ginawa Mo sa buhay ko hindi lamang sa oras na ito kundi noong mga nakalipas na mga oras pa. 

Sa kabila ng hindi ako karapatdapat sa lahat ng Iyong kabutihan at kagandahang loob Mo, Ikaw ay totoong nagpapakita pa ng higit  na kabutihan at kagandahang loob saakin.

Panginoon ko, alam mo ang kalagayan ko, hindi ako perpektong Kristiano, hindi rin ako matatag tulad ng Iyong inaasahan saakin. Ngunit, naririto ako Panginoon ko, nagpapakumbabang totoo, patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko sa Iyo. 

Sa bawat gawang nagpaluha sa Iyo, sa lahat ng salitang nagpalungkot sa Iyo, sa lahat ng mga nakita ng aking mga mata at narinig ng aking taenga na hindi Mo ikinalugod, Panginoon ko, Patawad. Patawad. Patawarin Mo ako. 

Alam mo ako at kilala mo ako, wala akong maililihim sa Iyo kahit ang mga ito'y ginawa ko sa dilim at lihim. Ito ay hindi kailanman nalingid o naitago sa Iyo. 

Patawad. Patawad po, Panginoon ko.

Nasasaktan ako, nalulungkot ako. 
Napapagod ako. Oo, napapagod ako sa lahat ng bagay na ginagawa ko at ginawa ko. 
Minsan nahahatid ako sa pagkayamot, sapagkat tila baga'y walang nangyayari sa akin,  at sa buhay ko. 

Tila baga tumigil umikot ang mundo ko, at gusto ko ito muling umikot nguni't, hindi ko alam kung papaano at saan mag sisimula. Tila baga'y wala akong nasisimulang tama kaya magwawakas sa mali. Dahil dito tila baga'y hindi ko na matatapos ang takbuhing iniatang Mo saakin. 

Desisyong mali, pagiisip na paago-bago.  Kaya minsan totoo nahahatid ako sa hindi na lang pagplano, sapagka't natatakot na akong magkasala sa sarili ko uli at masaktan. At dahil dito'y  mahahatid ako na 'baka' kahit ang sarili ko ay hindi na rin tanggapin ng sarili ko. 

Panginoon, patawad sa lahat ng ito. Sa mga salitang kailangang sabihin para lamang gumaan ang pakiramdam ko. Sapagka't naniniwala akong kapag aking inihagis sa paanan Mo ang lahat ng ito, gagaan ang loob ko. Maging totoo ako sa harap Mo Pnaginoon, kahit sa harapan Mo.

Salamat, sapagka't kahit nag mga salitang ito ay pinakikinggan Mo. Salamat sapagka't kahit kailan ay hindi Mo ako hinusgahan, hind Mo ako tinaboy, o hindi Mo tinakpan ang Iyong mga taenga para baliwalain Mo ako.

Salamat, sapagka't kahit ganito ang kalagayan ko, pinadarama Mo saakin ang aking kahalagahan. Pinakikita Mo saakin ang Iyong pagmamalasakit. 

Hindi ko inaasahan ito Panginoon, hindi rin ako karapatdapat sa mga ito, nguni't Ikaw, oo, Ikaw Panginoon ay mabuti saakin. Ikaw Pnaginoon ay tapat saakin. Ikaw Pnaginoon ay sagana sa kaaawaan at biyaya.

Wala na akong hihilingin pa, wala na akong hahanapin pa, sapagka't ikaw O Hesus na aking Panginoon, ang Dios kong buhay at totoo ay sapat na aakin.

Maraming Salamat Panginoon ko. Aking Ama na nasa langit, Panginoong Hesus, at sa Iyo Dios banal na Espiritu. 

Papuri at pagsamba sa Iyo lamang nararapat. Ngayon, bukas, at magpakailanman. Sa Pangalan ng Pnanginoong Hesus ko, Amen.

TO GOD BE THE GLORY
The lord cares and loves you always.

Letter for my Brethren,
Panginoon, alam ko marami sa aking kapatid sa pananampalataya ay puno ng pasan na hindi masabi sa Iyo, kaya naman Pnaginoon, sila na nahihirapan, sila na may bigatin, sila na may mga pasan, ay abutin mo higit ng Iyong pagabot saakin. 

Idinadalangin kong maranasan nila ang Iyong pag-ibig, biyaya, at awa na sumasagana sa mga oras na ito. Alalahanin Mo sila sa kanilang pagluha, at sa Iyong pagalala sa Kanila ay gawin mo ang Iyong marapatin sa kanila.

Panginoon, maraming salamat sa Iyo, salamat sa Iyong pagabot sa kanilang buhay ngayon.  

Pupurihin kita palagi Panginoon, sa Pangalan ng Panginoong Hesus, Amen.

Post a Comment

0 Comments